-- Advertisements --

Inihayag ni Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, Chair ng House special committee on the West Philippine Sea, panahon nang buhusan ng pondo ng gobyerno ang pagpapalakas sa pagbabantay sa West Philippine Sea.

Ayon kay Gonzales,sa 2024 national budget ay nagkaroon ng isyu matapos alisan ng pondo ang ilang civilian agencies para mailipat sa security agencies na nagbabantay sa West Philippines Sea.

Kaya naman sa pagpa-plano ng pambansang pondo para sa susunod na taon, maliban sa edukasyon, at kalusugan ay buhusan na rin ng pondo ang mga pangangailangan para mabantayan ang ating teritoryo.

Punto ni Gonzales, para mapalakas ang presensya ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo ay kailangan na madagdagan ang ating mga barko na nagpapatrolya doon.

Aminado naman ang Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines na malaking hamon ang pagpapatrolya sa karagatan dahil sa limitadong kagamitan gayundin ang maliliit na barkong gamit sa res-supply mission sa West Philippine Sea kumpara sa mga barko ng China.

Ipinaliwanag din ni Gonzales na sa kabila ng hindi pagtugon ng China sa mga inihaing diplomatic protest, ayon sa mambabatas mahalaga ang patuloy na paghain ng protesta upang iparating na hindi tinatalikuran ng Pilipinas ang teritoryo nito.