Mariing binigyang-diin ng dating NBI Director Jaime Santiago na malinaw na banta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa kanyang pamilya ang tinaguriang “Oplan Romanov,” at hindi kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Santiago, unang lumabas ang naturang termino sa bibig ni Davao City Mayor Baste Duterte sa isang rally noong Enero 2024, kung saan binalaan umano nito ang Pangulo na bago siya matulog ay isipin niya si Romanov at ang nangyari sa kanilang pamilya.
Nagulat si Santiago nang magbago ang naratibo matapos banggitin ng isang vlogger na si Princess Maui na ang Oplan Romanov ay nakatuon umano sa pamilya Duterte.
Sa impeachment trial nitong Martes, tinanong ng defense panel member na si Atty. Mark Vinluan ang testigong si NBI Regional Director Jeremy Lotoc kung narinig niya ang salitang “Operation Romanov.”
Sagot ni Lotoc, narinig niya ito kay Baste Duterte at ginamit bilang babala kay Pangulong Marcos.
Ang terminong “Romanov” ay hango sa royal clan ng Russia na namuno noong ika-17 siglo hanggang sa kanilang pagpaslang noong 1917. Kaugnay nito, sinabi ng defense team na maghahain sila ng mga testigo upang patunayan ang umano’y existence ng “Operation Romanov” laban sa pamilya Duterte.
Sa gitna ng magkakaibang bersyon, nananatiling sentro ng usapin ang tunay na layunin ng naturang operasyon at kung sino ang totoong target ng tinaguriang “Operation Romanov.”
















