-- Advertisements --

Inirekomenda ni BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co na magkaroon ng malawakang fundraising para madagdagan ang alokasyon na inilalaan ng pamahalaan sa pagbili ng COVID-19 vaccines sa ilalim ng 2021 proposed P4.5-trillion national budget.

Sinabi ni Co na hindi sasapat ang pondo ng pamahalaan para sa vaccination ng 50 hanggang 60 percent ng 109 Pilipino para makamit ang tinatawag na “herd immunity”.

Ayon kay Co, maaring kumuha ng porsiyento mula sa Internal Revenue Allotment, sa Private Business Sector Counterpart Fund ng mga malalaking negosyo at negosyante sa bansa, sa Foreign Grants at Concessional Loans, o hindi kaya ay sa mga kontribusyon mula sa Simbahan at iba pang religious groups.

“The tycoons have started pitching in. We ask for the kind and benevolent nature of the Church for their contribution. The provinces, cities and towns would have to yield some of their IRA for the welfare of the entire population. The DOF can go to the World Bank, ADB, and the wealthiest countries for COVID-19 aid,” ani Co.

Naniniwala ang kongresista na sa laki ng dinaranas na public health crisis, kailangan na magkaroon din ng “whole-of-society” fundraising para matiyak na walang babayaran ang mga makakatanggap ng bakuna kontra COVID-19.

Ang Department of Finance at Department of Budget and Management na aniya ang bahala sa detalye hinggil dito.