Naniniwala si House Speaker Martin Romualdez na malaking tulong sa pagpapalakas at pagpapa-angat sa agriculture at fishery sector ng bansa ang malawak na kaalaman at karanasan sa pribadong sektor ni Department of Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr.
Ayon kay Romualdez, maraming maiaambag ang innovation, efficiency, stratehiya at pagiging competitive na dala ng pribadong sektor sa sandaling mapagsanib-puwersa sa gobyerno.
Sinabi ng House Speaker na naipamalas na aniya ni Secretary Laurel ang potensyal ng private enterprises sa pagsusulong ng food security, paglago ng ekonomiya at pag-usbong ng teknolohiya sa agrikultura.
Dagdag pa ni Romualdez , malaking tulong din ang first hand experience ni Laurel sa management ng large-scale operation lalo na sa usapin ng supply chain, market demand at global trends.
Ipinunto ni House Speaker, nauunawaan ni Laurel ang pagbalanse sa kikitain at kapakanan ng publiko kaya aasahan ang mga polisiya na magkakaloob ng patas na kompensasyon sa mga magsasaka at mangingisda, access sa modernong teknolohiya at oportunidad sa kaunlaran.
Umaasa naman si Romualdez na masusundan ng bagong kalihim ang nasimulan at ang umano’y solidong pundasyon na iiwanan ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Agriculture.
Para kay Speaker Romualdez, si Laurel ang “fitted” na maging kalihim ng DA.