-- Advertisements --

Inihayag ng Makati Business Club (MBC) na ayaw ng pamahalaan na tawaging “crisis” ang kasalukuyang sitwasyon sa presyo ng langis upang maiwasan ang panic sa publiko.

Ayon kay Chairman Edgar Chua, mahirap isipin na walang krisis sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng diesel na lampas P100 kada litro, patuloy na paghina ng piso laban sa dolyar, at kawalan ng katiyakan sa suplay ng langis matapos ang Mayo.

Giit niya, dapat ipaalam sa mamamayan na hindi normal ang kalagayan at kailangan ng agarang plano sa maikli, katamtaman, at pangmatagalang panahon.

0Sa panig ng Malacañang, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na hindi krisis ang nararanasan ng bansa kundi “price disruption,” at may sapat pang suplay ng langis.

Gayunman, binigyang-diin ni Chua na ang pagtawag dito bilang krisis ay makatutulong upang maunawaan ng publiko na hindi na “business as usual” at magsimula ng pagtitipid at pagtutulungan.

Ilang kumpanya na rin ang nagpatupad ng work-from-home at energy-saving measures bilang tugon sa sitwasyon.

Nanawagan ang business group na magkaisa ang pamahalaan, pribadong sektor, at lokal na pamayanan upang maibsan ang epekto lalo na sa mga mahihirap.

Sa kabila ng pagtanggi ng gobyerno na may krisis, inaasahan pa rin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mas mabigat na epekto sa ekonomiya ng bansa.