Nagpahayag ng pagkadismaya ang House of Representatives sa naging desisyon ng Senado na huwag nang isulong ang Resolution of Both Houses no.6 para pag-aralan ang pag-amyenda sa 1987 Constitution partikular ang economic provisions.
Ito ang tugon ni House Majority Leader Manuel Dalipe sa pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na maraming Senador ang tutol na sa RBH no. 6 dahil sa mga alegasyon ng pagbili ng pirma para maisulong ang People’s Initiative.
Ayon kay Dalipe,kung ang pahayag ni Sen. Villanueva ay totoo, nakalulungkot na nagdesisyon ang Senado nang hindi inalam kung may katotohanan ang alegasyon.
Una rito, sinabi ni Dalipe na paulit-ulit nang itinanggi ni Romualdez na siya o ang liderato ng Kamara ang nasa likod sa umanoy pagbili ng mga pirma para maisulong ang Peoples Initiative.
Binigyang-diin ni Dalipe na tila pinaasa din ng Senado si Pangulong Ferdinand Marcos nang sabihin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na susuportahan ang “constitutional economic reforms” sa pamamagitan ng koordinasyon sa Kamara.
Dagdag pa ni Dalipe, ilang taon nang balakid ang Senado sa pag-usad ng amyenda sa ating saligang batas sa halip na bigyan ng pagkakaton ang pag-aaral para sa pag-angat ng ating ekonomiya.
” Amidst this disturbing development, it is worth noting that over the past 36 years, the Senate has unfortunately blocked repeatedly efforts to amend the outdated 1987 Constitution and depriving Filipino of a better Philippines,” pahayag ni Rep. Dalipe.