
Aabot sa Php619 milyon ang halaga kinita ng Philippine National Police sa nakalipas na apat na taon.
Mula ito sa ipinapatupad ng National Police Clearance System (NPCS) ng pulisya sa bansa na naglalabas ng mga police clearance na isa sa mga requirements na hinihingi para makapasok sa trabaho, ilang mga transaksyon sa gobyerno, at maging ang mga dayuhan na nais magtayo ng negosyo sa bansa.
Ayon kay Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang naturang halaga ng kita ng pambansang pulisya ay mula sa mahigit 4.2 milyon na mga police clearance na inisyu nito sa ilalim ng naturang sistema.
Bukod dito ay ibinida rin ni Azurin na naging daan din ang National Police Clearance System para maaresto ang 294 na mga indibidwal na mayroong outstanding Warrant of Arrest, habang nagtatangkang kumuha ng police clearance.
Ito ay matapos na ipatupad ng pulisya ang mandatoryong pagkuha ng police clearance sa lahat ng mga nagtatrabaho ng Philippine Offshore Gaming Operations.
Batay kasi sa datos ng pulisya, sa ngayon ay nasa mahigit 12,000 police clearance na ang inilabas nito sa mga POGO workers mula noong September 26 hanggang November 30, 2022.










