-- Advertisements --
image 251

Sinira ng Quezon City Police District (QCPD) ang mahigit kalahating milyong halaga peso ng iligal at mapanganib na paputok bilang bahagi ng kanilang kampaniya sa ligtas na pagsalubong ng bagong taon.

Ang ceremonial destruction ng nakumpiskang mga paputok ay isinagawa sa headquarters sa Camp Karingal sa Quezon city.

Kabilang sa mga sinirang mga firecracker ay walang permiso para magbenta.

Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, kailangan na maprotektahan ang interes ng mayorya kayat kailangan nilang pagbawalan ang naturang mga aktibidad at arestuhin ang mga hindi sumusunod sa regulasyon para na rin sa seguridad at kaligtasan ng publiko.

Hinihimok naman ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na ireport sa awtoridad ang mga lumabag sa panuntunan ng gobyerno kaugnay sa proper use at pagbebenta ng mga paputok at pyrotechnics.

Paalala sa publiko na ilan lamang sa mga uri ng firecrackers na maaaring gamitin sa mga lugar ng fireworks display ay ang baby rocket, bawang, el diablo, Judas’ belt, paper caps, pulling of strings, sky rocket (kwitis) at
small “triangulo”.

Ipinagbabawal naman ang mga sumusunod: piccolo, super lolo, atomic triangle, large judas belt, large bawang, pillbox, bosa, goodbye Philippines, bin laden, goodbye bading, goodbye covid, kwiton bomb, kwiton parachute, mother rocket, lolo thunder, coke in can, atomic bomb, five star, pla-pla, giant whistle bomb, kabasi, at watusi.