Patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga kababayan nating naaapektuhan ng malawakang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao region.
Sa ulat ng Office of the Civil Defense – Region 11, pumalo na sa mahigit 72,000 ang bilang ng pamilyang apektado ng naturang kalamidad na dala masamang lagay ng panahon.
Sabi ng naturang ahensya, ang nararanasang trough ng low pressure area ay nagdulot ng malking pinsala sa mga kalsada, kabahayaan. at maging sa mga tulay sa mga apektadong lugar sa naturang lalawigan.
Nang dahil dito stranded ngayon ang daan-daang mga residente doon lalo na’t hindi pa rin madaanan ang ilang mga kalsada.
Samantala, kaugnay nito ay nagpasaklolo na rin sa mga tauhan ng Philippine Air Force ang Davao City LGU para magamit ang air asset nito sa pagpapadala ng relief goods sa mga isolated areas.
Habang agad namang inilikas ang iba pang mga apektadong residente kabilang na ang mga bata at matatanda sa mas ligtas na mga lugar gamit naman ang mga rescue boats ng mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa ngayon ay patuloy pa ring inaalam ng mga otoridad kung gaano kalawak ang pinsalang idinulot ng naturang mga pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng masamang lagay ng panahon.