-- Advertisements --
PNP1

Nasa mahigit 7,000 indibidwal na sangkot sa illegal gambling ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa loob lamang ng limang araw.

Alinsunod ito sa naging utos ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. hinggil sa pagpapaigting pa ng kampanya ng pulisya laban sa talamak na illegal gambling sa bansa.

Ayon sa Directorate for Operations, nagsagawa ng nasa 2,708 na operasyon ang pulisya mula September 12 hanggang September 16 ng taong kasalukuyan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kabilang na ang peryahan ng bayan, tupada, sugal na cara y cruz, pusoy, tong its, lucky 9, majhong, video karera, at Small Town Lottery.

Batay sa naturang datos, umabot sa 7, 700 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na naaresto sa naturang operasyon.

Mula rito ay nasa mahigit 5,000 ang bilang ng mga player o naglalaro ng illegal gambling ang karamihan sa mga naaresto, habang ang iba namang nahuli ay mga bettor, collector, usher, operator, maintainer, financier, at checker.

Samantala, sa ngayon ay nakapaghain naman na ang pulisya ng nasa 1,586 na mga kasong isinampa laban sa mga nahuli.