Posible pang umabot sa mahigit 70% ang voter turnout sa isinagawang plebisito sa Maguindanao, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa isang pahayag ay inilarawan ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco bilang “historic” ang kanilang projected number sa ngayon sa kadahilanang pumapalo lamang sa 28 hanggang 30 percent ang bilang ng pangkalahatng voting average sa mga plebisito.
Paliwanag niya, tanghali pa lamang ng Sabado, September 17, 2022, ay inaasahan na nilang lalampas sa 70% ang kanilang voter turnout dahil sa unti-unting pagpasok sa kanila ng mga results mula sa lahat ng munisipyo sa nasabing lalawigan.
Aniya, sa oras na mangyari ito ay talagang magiging makasaysayan ito para sa komisyon pagdating sa mga plebisito at utang na loob aniya sa mga taga-Maguindanao dahil sa kanilang naging pagpapasya sa kanilang mga sarili sa magiging kahihinatnan ng kanilang probinsya.
Samantala, inaasahan naman na sa Linggo, September 18, 2022 nakatakdang ilabas ng poll body ang pinal na resulta ng naturang plebisito.
Layunin ng plebisito na tukuyin kung tatanggapin ba ng mamamayan ng Maguindanao na hatiin ang kanilang lalawigan sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur alinsunod sa Republic Act No. 11550.