-- Advertisements --

Umabot sa mahigit 5,300 katao, kabilang ang mga Pilipino, ang nananatiling nakakulong sa mga online scam centers malapit sa border ng Myanmar at Thailand sa kabila ng malawakang kampanya laban sa human trafficking at online fraud sa rehiyon.

Sa liham na ipinadala sa pulisya ng Thailand, sinabi ng Civil Society Network for Human Trafficking Victim Assistance (CSNHTV) na marami sa mga biktima ay mga dayuhan na nananatiling nakakulong sa ilang pasilidad sa loob ng mga lugar na kontrolado ng isang armadong grupo sa Myanmar.

Kabilang umano sa mga nakapiit ay galing sa China, Thailand, Malaysia, Brazil, Russia, Kenya, at Pilipinas.

Ayon sa United Nations, ang mga scam center sa ilang bahagi ng Southeast Asia, kabilang ang Myanmar at Cambodia, ay sangkot sa malawakang online fraud na kumikita ng bilyun-bilyong dolyar kada taon.

Marami sa mga nagtatrabaho rito ay umano’y nabiktima ng human trafficking. Pinapangakuan sila ng magandang trabaho ngunit kalaunan ay napipilitang gumawa ng online scams sa ilalim ng mahigpit at mapang-abusong kondisyon.

Noong nakaraang taon, pinangunahan ng Thailand ang malawakang operasyon laban sa mga scam hub sa border nito, kung saan nasa 5,000 katao ang nailigtas mula sa mga pasilidad sa Myawaddy, Myanmar.

Gayunpaman, ayon sa CSNHTV, marami pa ring scam compounds ang nananatiling bukas at hindi pa naaabot ng rescue operations.

Dahil dito, patuloy umanong nakapaglulunsad ng online fraud at human trafficking ang mga sindikato, na nakaaapekto sa mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Estados Unidos at Europa.