
Arestado ng Philippine National Police ang nasa mahigit 500 mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga sa Metro Manila sa loob lamang ng isang linggo.
Sa gitna pa rin ito ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga sa bansa.
Sa datos na inilabas ng National Capital Region Police Office, nasa 516 na mga indibidwal na ang kanilang naaresto kabilang na ang nasa 18 high-value targets at ang nasa 357 na mga kasong naihain na sa korte mula sa 300 “One-time, Big-time” anti-drug operations na kanilang ikinasa mula noong December 3 hanggang December 9, 2022.
Bukod dito ay iniulat din ng pulisya na mula sa nasabing operasyon ay umabot na sa Php 39,639,224.14 ang halaga ng mga ilegal na droga na kanilang nasabat.
Samantala, binigyang-diin naman ng pulisya na ito ay simula pa lamang ng magandang resulta ng kanilang kampanya, kasabay ng pagtitiyak na mas pag-iigihan pa ng kapulisan ang kanilang programa at kampanya laban sa ilegal na droga.










