CAUAYAN CITY- Naghahanda ang samahan ng mga health workers sa isasagawa nilang kilos pamamahayagg kasabay ng kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos para iparating sa kanya ang kanilang mga hinaing.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Jao Clumia, pangulo ng St. Luke’s Media Center Employees Association, sinabi niya na nais nilang iparating sa pangulo ang problema ng mga manggagawang pangkalusugan.
Kabilang dito ang kakulangan ng mga nurses dahil sa pagtungo sa ibang bansa ng marami sa kanila dahil sa mas mataas na sahod.
Tiniyak ni G. Clumia na susundin nila ang mga health protocol sa pagsasagawa ng kilos pamamahayag sa SONA ni Pangulong Marcos.
Tinatayang 500 health workers ang makikiisa sa kanilang kilos protesta.
Ang mahalaga aniya ay maiparating nila kay Pangulong Marcos ang kanilang mga hinaing.
Sinabi ni G. Clumia na hindi sila handa sakaling magkaroon ng muli surge sa mga kaso ng COVID-19 dahil paunti nang paunti ang kanilang hanay.
Gusto nilang marinig ang mga kongkretong sagot sa mga plano sa healthcare system sa bansa dahil medyo nahihirapan na sila.