-- Advertisements --
sim card

Umabot na sa mahigit 400 reklamo ang natanggap ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa loob ng tatlong araw na pagpapatupad ng SIM Registration Act sa Pilipina mula noong Disyembre 27, 2022.

Sa ulat ng tagapasalita ng nasabing ahensya na si Usec. Anna Mae Lamentillo, sa ngayon ay umabot na sa kabuuang 481 ang bilang ng mga reklamong kanilang natatanggap hinggil sa nasabing batas.

Nasa 195 dito ang mula sa Smart, 121 ang mula sa Glove, 83 ang mula sa Talk ‘N Text, 41 ang may reklamo sa DITO sim, 20 ang sa TM, 14 ang sa Sun Cellular, at 7 naman ang may mga complaint sa GOMO sim.

Aniya, ilan sa mga complainant ay pawang mga senior citizen na nahihirapan sa proseso ng SIM registration, habang ang iba naman ay hindi talaga makapasok sa mismong system ng kanilang mga telecommunications company para makapagparehistro.

Paliwanag ni Lamentillo, sa ngayon ay katanggap-tanggap pa ang mga glitches at technical dificulties na nararanasan ng mobile subscribers pagdating sa SIM registration dahil ito aniya ay kasama pa sa tinatawag na “Birth Things” ng nasabing batas lalo na’t bago ang proseso nito.

Sa kaniyang pahayag ay nilinaw niya na bago pa lamang daw magsimula ang SIM registration sa bansa noong Disyembre 27, ay nag-abiso na ang kanilang ahensya hinggil sa “15-day test period” kung saan lahat aniya ng mga valid registration ay posibleng makaranas ng technical difficulties na agad naman aniyang tiyak na tutugunan ng mga telecommunications company sa bansa.

Ito ang dahilan kung bakit patuloy naman ang panawagan ng kagawaran para sa pagtitiyaga at pang-unawa ng publiko sa kasalukuyang aberyang nararanasan ngayon hinggil dito.

Samantala, kaugnay nito ay naglunsad din ang DICT ng mga complaint center sa ilalim ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center upang magsilbing support system sa pagpapatupad ng SIM registration para magbigay-daan sa lahat ng mga subscriber na iulat ang issues na nararanasan nila sa pagpaparehistro ng kanilang mga SIM card.

Sa pamamagitan nito ay maaari rin aniyang magbigay ng mungkahi o suhestiyon ang bawat isa para naman sa pagpapabuti pa ng proseso ng SIM registration.

Kung maalala, una rito ay iniulat na rin ng naturang kagawaran na sa unang araw palang ng pagpapatupad ng nasabing batas ay umabot na sa isang milyon ang bilang ng mga mobile subscribers na nakapagparehistro na sa ilalim ng nasabing batas.

Sa kabila ito ng kaliwa’t kanang mga aberyang una nang napaulat na may kaugnayan kakapatupad pa lamang ng kautusan.