KALIBO, Aklan – Tinatayang nasa 2,600 na mga pulis sa buong western Visayas ang magbabantay sa pagdating ng bakuna laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID 19).
Sinabi ni Lt. Col. Joem Malong, tagapagsalita ng Police Regional Office Region 6 (PRO-6), mayroong 2,678 na pulis ang itinakda upang mag-escort sa mga darating na bakuna mula sa pick-up points papuntang vaccination centers.
Buwan pa umano ng Enero ay nakalatag na ang mga dapat gawin at naghihintay na lamang ng kaukulang koordinasyon.
Nasa 907 na pulis ang magbabantay sa mga vaccination centers, 756 ang nakatalaga sa pag-transport ng bakuna, 386 ang reserve force at 629 ang bahagi ng Quick Reaction Teams.
Dagdag pa ni Malong na magiging katuwang ng PNP ang Philippine Army sa pagbiyahe ng mga bakuna lalo na ang papunta sa mga malalayong lugar.
Naka-alerto na rin umano sila sa posibleng pagsabote ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa rehiyon sa nasabing aktibidad.










