Nasa mahigit 21,000 na mga awtoridad ang nakatakdang ipakakalat sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa July 25, 2022.
Sa ulat, aabot sa 21,853 ang kabuuang bilang ng mga tauhang itatalava para nasabing event.
Nasa 16,964 sa mga ito ay mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO), 1,905 naman mula sa Philippine National Police (PNP) supporting units, at 2,974 para naman sa coordinating agencies at iba pang peacekeeping partners.
Alinsunod ito sa tinalakay ng Inter-Agency Coordination Meeting sa Cam Bagong Diwa noong July 15, 2022 sa panguguna ni NCRPO Regional Director Police Major General Felipe Natividad bilang bahagi pa rin ng mahigpit na seguridad para sa nasabing okasyon na dinaluhan naman ng mga kinatawan ng Armed Forces of the Philippines, local government units, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, force multipliers, volunteer groups, at iba pa.
Matatandaan na una rito ay ipinatupad na rin sa buong Metro Manila ang gun ban mula July 22 hanggang July 27, 2022 para tiyakin pa rin ang mahigpit na seguridad sa unang SONA ni PBBM.