Mahigit 1,700 estudyante at guro sa Indonesia ang nagkasakit dahil sa hinihinalang food poisoning matapos kumain ng libreng pagkain na ipinamahagi sa ilalim ng government meal program.
Pinakabagong insidente ang naitala sa isang senior high school sa Lasem, Central Java, kung saan 752 estudyante at 25 guro ang nakaranas ng pagtatae at pagsusuka matapos kumain ng libreng pagkain noong Miyerkules.
Ayon sa school principal ng paaralan, kasama sa pagkain ang grilled chicken. Napansin umano ng food taster na may ilang manok na malagkit o “slimy” bago ito ipamahagi.
Sinabi naman ng doktor na gumamot sa mga biktima na 15 estudyante at guro ang kinailangang dalhin sa ospital.
Bukod sa insidente sa Lasem, 664 estudyante ang nagkasakit sa Sidoarjo, East Java, habang 49 naman sa Nganjuk at 237 sa Agam, West Sumatra, ang naiulat na tinamaan ng food poisoning ngayong linggo.
Dahil dito, umabot sa mahigit 1,700 ang mga nagkasakit sa magkakahiwalay na insidenteng iniuugnay sa libreng meal program.
Pinangangasiwaan ng National Nutrition Agency ang programa na inilunsad ni Indonesian President Prabowo Subianto noong nakaraang taon para makatulong sa nutrisyon ng milyun-milyong bata.
Samantala, sinabi ng isang mambabatas na hindi dapat ituring na magkakahiwalay na insidente lamang ang mga kaso at dapat tugunan ang problema sa sistema ng pagpapatupad ng programa.
-- Advertisements --









