Nahatiran na ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang halos 200 pamilya na biktima ng dalawang magkasunod na sunog sa Maynila at lungsod ng Pasay.
Sa lungsod ng Pasay ay nasa mahigit 20 kabahayan sa P. Valezuela Street sa Barangay 87 ang naabo.
Umabot sa ikatlong alarma ang nasabing sunog na nagsimula pasado alas-sais ng gabi.
Mahigit tatlong oras bago tuluyang naapula ng Bureau of Fire Protections (BFP) ang nasabing sunog.
Nahirapan ng bahagya ang BFP sa pag-apula dahil sa magkakadikit na kabahayan at masikip na daanan sa lugar.
Umabot din sa mahigit 100 kabahayan ang naapektuhan sa malaking sunog sa San Andres, Maynila, mag-aala-sais kagabi.
Umabot ang nasabing sunog sa ikalawang alarma.
Mahigit isang oras din bago tuluyang naapula ng BFP ang naturang sunog.
Nagtulong-tulong na rin ang mga residente sa lugar para agarang maapula ang sunog.
Samantala, patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng dalawang magkasunod na sunog sa Pasay at Maynila.










