-- Advertisements --

Nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng kabuuang 141,172 pulis, tauhan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at force multipliers sa buong bansa para sa seguridad ngayong Undas.

Kabilang dito ang 73,034 pulis, 16,560 tauhan ng iba pang ahensya at 51,578 force multipliers na itinalaga sa mga sementeryo, terminal, pangunahing kalsada, simbahan at iba pang matataong lugar. Iniutos din ni PNP Chief Police Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang pagtatayo ng police assistance desks at mas mahigpit na inspeksiyon sa mga sementeryo at memorial park.

Pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa kanilang mga gamit at tiyaking nakasara ang mga bahay bago bumiyahe. Naka-full alert status ang lahat ng yunit ng PNP mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 upang suportahan ang seguridad, pamamahala ng trapiko at pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko.

Sa Metro Manila, nasa 25,000 tauhan ang inilatag ng National Capital Region Police Office para sa Undas at sa nalalapit na 49th ASEAN Summit sa Nobyembre 16 hanggang 18. Noong nakaraang taon, umabot sa mahigit 14 milyon ang naitalang dumalaw sa mga sementeryo sa buong bansa, kabilang ang tinatayang 1.8 milyon sa Metro Manila.