CAUAYAN CITY- Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaso ang pinaghihinalaang sumaksak at pumatay sa isang magsasaka sa Barangay Linumot, Jones, Isabela.
Ang biktima ay si Santiago Bareng , 65 anyos, may-asawa, magsasaka habang ang suspek ay si Rolly Suguitan, 5 anyos, magsasaka, kapwa residente Purok 5 Linomot, Jones, Isabela .
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Felixberto Lelina , hepe ng Jones Police Station na ang biktima kasama ang kanyang maybahay ay papunta sa lamay ng kanilang namatay na kabarangay nang biglang lumitaw ang pinaghihinalaan.
Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa na magbayaw ukol sa itinanim umanong saging ng anak ng biktima sa bukid ng pinaghihinalaan…Habang nasa kalagitnaan ng pagtatalo ang dalawa ay naglabas ng patalim ang pinaghihinalaan at sinaksak sa kaliwang tiyan ang biktima.
Kagad dinala sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na lango sa nakalalasing na inumin ang pinaghihinalaan nang saksakin ang biktima.
Nagtungo anya sa himpilan ng pulisya ang ina at anak ng biktima at inihayag na handa nilang sampahan ng kaso ang pinaghihinalaan.