Tiniyak nang liderato ng Magsasaka Party-List na isang lehitimong miyembro ng grupo si Rep. Robert Gerard Nazal Jr.
Si Nazal ay pormal nang nakapanumpa bilang miyembro ng Mababang Kapulungan.
Itoy matapos ang mahigit apat na buwan kasunod ng gusot at kontrobersiya na kinasangkutan ng nasabing partylist group sa pagitan nina Magsasaka National Chair Soliman Villamin Jr. at paksyon ng dating kongresista ng party-list na si Atty. Argel Joseph Cabatbat.
Nitong Oktubre 10, nang manumpa ang mambabatas kay Judge Jose Paneda ng Quezon City Regional Trial Court Branch 220, kasunod ng inilabas na Certificate of Proclamation ng Commission on Elections (COMELEC), na kumikilala kay Nazal bilang qualified nominee ng naturang party-list group.
Matapos ang ginawang panunumpa agad namang nag-courtesy call ang kongresista kina House Speaker Martin Romualdez, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.
Kabilang ang Magsasaka Party-list sa 55 party-list group na ipinroklamang nanalo sa nakaraang 2022 National Elections.
Sa isang official statement na inilabas ng Magsasaka Party-List na ang hinaing ni Cabatbat ay nagsimula nuong February 14,2020 at ito ay naihayag na sa Commission on Elections (COMELEC) na sila ay pinatalsik mula sa legitimate at duly-recognized Magsasaka Party-List.
Mariin namang itinanggi ng Magsasaka Party-List na nominee ng ibang Party-List group na Pasahero si Nazal.
Samantala, inihayag naman ni Cabatbat na hindi nila miyembro si Nazal at batay sa kanilang pagsasaliksik, siya ay ang FOUNDER at mistulang nominee ng PASAHERO Partylist na natalo nito lamang nakaraang 2022 election.
Si Nazal ay dating 5th nominee ng Bagong Henerasyon (BH) Partylist noong 2019.
Inaalam na rin ng grupo nina Cabatbat kung paano at sino sino ang mga kinausap ni Nazal sa Magsasaka Partylist.
Dahil dito, agad nagsampa ng apela, kasama ng pagkuha ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema ang grupo nina Atty. Cabatbat.
Dagdag pa ni Atty. Cabatbat na si Nazal ay isang milyonaryo na may ari ng maraming kompanya, mula sa construction company hanggang sa pagsupply ng beauty products.