CAUAYAN CITY – Nasa kritikal na kondisyon ang isang magsasaka sa Cordon, Isabela matapos na mabangga ng pampasaherong bus sa National Highway sa Brgy. Caquilingan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cordon Police Station, ang Victory Liner Bus na minaneho ni Reynaldo Sacle, 50-anyos, may asawa, residente ng Pasong Tamo, Tandang Sora, Quezon City ang nakabangga sa biktimang si Ricky Tagarino, 55-nyos, may asawa, magsasaka at residente ng Turod Sur, Cordon, Isabela.
Patungo ang bus sa direksyon ng Santiago City nang bigla na lamang makita ng tsuper sa gitna ng daan ang biktima.
Nakapagpreno si Sacle at tinangkang iwasan ang biktima ngunit nahagip pa rin ito at tumama pa sa kaliwang windshield ng bus na naging dahilan ng malalang sugat sa ulo nito.
Agad nilapatan ng paunang lunas ng Rescue team ng Cordon ang biktima bago dinala sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.
Inilipat naman ang mga pasahero ng bus sa isa pang bus unit ng naturang provincial bus.
Handa naman ang bus company na tumulong sa gastusin sa pagpapagamot ng biktima.