-- Advertisements --

Niyanig ng magnitude 5.9 na lindol ang Sarangani Island sa Davao Occidental kaninang alas-6:34 ng gabi, ngayong Sabado, Abril 4.

Batay sa ulat ng PHIVOLCS, naramdaman ang pagyanig sa iba’t ibang lugar sa Mindanao, kung saan naitala ang Intensity III sa Lungsod ng General Santos.

Sa Instrumental Intensities o naitalang lakas ng lindol batay sa instrumento, naitala ang Intensity III sa bayan ng Malungon sa Sarangani.

Samantala, nasa Intensity II naman ang M’lang sa Cotabato, Digos City sa Davao del Sur, Jose Abad Santos sa Davao Occidental, at mga bayan ng Malapatan at Kiamba sa Sarangani. Naramdaman din ang parehong lakas ng lindol sa T’boli, Santo Niño, at Tupi sa South Cotabato, Palimbang sa Sultan Kudarat, at muli sa General Santos City.

Intensity I naman ang naitala sa ilang bahagi ng Bukidnon, Cotabato, Davao del Sur, Davao Occidental, Davao de Oro, Misamis Oriental, Sarangani, South Cotabato, Zamboanga City, at Davao City.

Sa ngayon, wala pang naitatalang malaking pinsala o nasawi kaugnay ng lindol.

Gayunman, ibinabala ang posibleng mga aftershock, kaya’t pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.