-- Advertisements --

Niyanig muli ng panibagong aftershocks ang bayan ng Glan, Sarangani matapos maitala ang magnitude 5.5 na lindol bandang alas-11:30 kagabi, Hunyo 15, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon sa PHIVOLCS, ang sentro ng lindol ay natukoy sa layong 18 kilometro timog-silangan ng Glan, Sarangani, na may epicenter na 05.67°N, 125.27°E, at lalim na 44 kilometro.

Una itong naitala bilang magnitude 5.8 ngunit kalaunan ay ibinaba sa magnitude 5.5.

Sinabi ng PHIVOLCS na tectonic ang pinagmulan ng lindol at aftershock ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Sarangani noong Hunyo 8.

Naramdaman ang Intensity V sa Sarangani, Davao Occidental, Kiamba sa Sarangani, at General Santos City.

Samantala, Intensity IV naman ang naitala sa Don Marcelino at Jose Abad Santos sa Davao Occidental; Alabel, Malapatan, at Malungon sa Sarangani; T’Boli at Tupi sa South Cotabato; at Isulan at Palimbang sa Sultan Kudarat.

Naitala rin ang Intensity III sa Koronadal City, Lake Sebu, Santo Niño, Surallah, Tampakan, at Polomolok sa South Cotabato, gayundin sa Tacurong City sa Sultan Kudarat.

Intensity II naman ang naramdaman sa Kidapawan City sa Cotabato; Banga at Norala sa South Cotabato; at Bagumbayan, Columbio, at Lebak sa Sultan Kudarat. Intensity I naman ang naitala sa bayan ng M’lang, Cotabato.

Batay sa instrumental intensities ng PHIVOLCS, Intensity V ang naitala sa General Santos City habang Intensity IV naman sa ilang bahagi ng Sarangani, Davao Occidental, South Cotabato, at Sultan Kudarat.