Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ang dalawang kalalakihan matapos itong nabagsakan ng puno ng niyog kahapon, Abril 9, sa Barangay South Poblacion, Jimalalud Negros Oriental ngunit hindi na nakaligtas ang mga ito sa kamatayan.
Nakilala ang magkapatid na biktima na sina Karl Darwin Magos, 23 anyos at Clyde Magos, 31 anyos.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCapt Cecile Mingay, Officer-in-charge ng Jimalalud Police station, sinabi nitong sakay ng motorsiklo ang magkapatid at patungo sana sa dagat para maligo at makiisa sa pagdiriwang ng Easter Sunday.
Pagdating pa sa lugar, biglang natumba ang puno ng niyog at tinamaan ang mga biktima.
Sinabi pa ni Mingay na napag-alamang kakaunti na lamang ang natitirang ugat na may hawak ng puno dahilan ng pagkatumba nito.
Naisugod pa ito sa pagamutan ngunit dahil sa natamong pinsala sa katawan at ulo ng dalawa ay binawian na ito ng buhay.
Idinagdag pa nito na maliban sa nasabing insidente, wala namang naitalang mga krimen o kahalintulad na insidente at naging mapayapa naman umano ang kanilang pagdiriwang sa Semana Santa sa lugar.










