
Iginiit ni Vice President Leni Robredo sa Duterte administration na alam niya ang pagkakaiba ng pagsusulong ng transparency sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga at ang pagpapanatiling pribado ng mga confidential data.
Ito ay matapos na hingiin ni Robredo, co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), ang kopya ng listahan ng mga high-value targets (HVT) sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
“Naiintindihan ko naman kung ano ‘yong mga hindi pwedeng sabihin sa media, kung sensitive hindi ‘yon pwede,” saad ni Robredo sa lingguhan nitong programa sa radyo.
Ayon sa Bise Presidente, mainam na maging transaparent hangga’t sa maari sa mga nangyayari subalit hindi naman aniya niya isisiwalat ang mga sensitibong impormasyon na nakalakip sa hinihingi niyang listahan na lalo lamang makakasama sa naturang kampanya.
Pahayag ito ni Robredo matapos na binalaan ng iba’t ibang government officials na huwag isiwalat ang anumang impormasyon na maaring maglagay ng national security sa alanganin.
















