-- Advertisements --

CAUAYAN CITY -Nahagip sa CCTV Camera ang pagbangga ng isang motorsiklo sa isa pang motorsiklo sa pambansang lansangan sa Brgy. San Andre, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyong ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Santiago City Police Office Traffic Group ang mga biktimang sakay ng Suzuki single motorcycle ay ang mag-asawang negosyante na sina Nestor Damaso, 47 anyos at Ricarnecion Damaso, 46 anyos, kapwa residente ng Purok 1, Pongpongan, Jones Isabela.

Ang suspek namang nagmamaneho ng pulang motorcycle na bumangga sa sinakyang motorsiklo ng mag-asawa ay si John Michael Vincent Delmundo,21 anyos, binata, at residente ng Purok 5, Rosario, Santiago City.

Batay sa kuha ng CCTV Camera mula sa Santiago City Command Center makikitang binabagtas ng dalawang motorsiklo ang parehong direksiyon kung saan nasa unahan ang motorsiklong sinakyan ng mag-asawang Damaso nang biglang mahagip ng sumusunod na motorsiklong minamaneho ni Delmundo.

Tumilapon ang mag-asawa sa lansangan at makikitang kaagad bumangon mula sa pagkakadapa si Nestor at tinulungan pa ang kanyang misis na nagtamo ng mga sugat sa noo, braso at nahirapang makalakad dahil sa iniindang sakit sa balakang

Dinala sa pagamutan ng mga tumugon na kasapi ng Rescue 1021 ang mag-asawang nagtamo ng sugat sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan

Ayon kay Police Staff Sgt. Vladimir Manglanlan,tagasiyasat ng kaso nanatili pa rin sa pagamutan si Ginang Ricarnecion Damaso.

Handa naman umanong makipag-areglo si Delmundo sa mag-asawang biktima.