-- Advertisements --

MAG-ASAWA NASAWI, 8 SUGATAN MATAPOS NAGMALFUNCTION ANG BRAKE NG SINAKYANG JEEP SA NEGROS ORIENTAL

Binawian ng buhay ang dalawang indibidwal kabilang ang isang senior citizen habang sugatan naman ang walong iba pa matapos ang nangyaring aksidente kahapon, Mayo 21, na kinasasangkutan ng isang pribadong jeep sa Sitio Legarda, Barangay Tamao sa bayan ng Tayasan sa Negros Oriental.

Nakilala ang mga nasawi na sina Catalina Dagodog, 60 anyos at asawa nitong 58 anyos na si Nanie Dagodog, residente ng Villa Aribalo, Iloilo City.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PEMS Jovanie Delara, sinabi nito na batay sa kanilang imbestigasyon, pauwi na sana ang mga biktima galing sa isang reunion.

Ngunit pagdating pa umano sa lugar ay bigla na lamang umanong nagmalfunction ang brake ng sasakyan at hindi na makontrol ng drayber dahilan kaya nahulog ito sa bangin bago bumangga sa puno ng mangga.

Dead on the spot si Catalina habang binawian naman ng buhay sa pagamutan kaninang umaga, Mayo 22, ang asawa nitong si Jovanie.

Sa ngayon, sinabi pa ni Delara na patuloy aniyang nagpapagaling sa pagamutan ang walong iba pa na sugatan sa aksidente.

Nanawagan naman ito sa mga motorista at mga nagmamaneho ng sasakyan na ugaliing suriin ang mga sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente.