-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Natagpuang wala ng buhay ang isang dalawampu’t-anim na taong gulang na lalaki at ang anak nitong tatlong taong gulang na babae sa loob ng isang bodega sa bayan ng Sual dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Kinilala ang mag-amang biktima na sina Ronie Poe Singueo Costales, dalawampu’t-anim na taong gulang at anak nitong si Jhanna Balgua Costales, tatlong taong gulang, at kapwa residente ng Barangay Caoayan sa bayan ng Sual.

Kinilala naman ang suspek na si Jayson Calabisan Libayon, dalawampu’t-tatlong taong gulang, mula sa General Santos City at naninirahan sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan.

Ayon kay PMAJ. Peter Paul V. Sison, Chief of Police ng Sual Municipal Police Station, sa kanilang isinagawang imbestigasyon ay lumabas na kaibigan ni Ronie ang suspek at pansamatalang naninirahan sa kanilang bahay ay napagsabihan umano ang suspek ng ina ng biktima na naging dahilan nang pagkakaroon nito ng sama ng loob.

Ayon sa ilang saksi na kasamahan sa trabaho ni Costales, madaling araw ay nakarinig na lamang ito ng isang pagtatalo ngunit maya maya ay nakita rin nito na mabilis umalis ang suspek gamit ang isang motor.

Samantala, Natagpuang wala nang buhay ang dalawa sa loob ng stockroom ng Gioia Construction Supply bandang alas 10:40 na ng umaga ng August 9 kung saan si Ronie ay natuklasang may sugat sa kanyang ulo na hinihinalang galing sa paghampas ng matigas na bagay habang ang anak nito ay kinakitaan ng indikasyon ng pagsakal.

Narekober ang isang round bar steel pipe na may sukat na humigit kumulang 78 sentimetro na ginamit ng suspek sa pagpatay at isang black backpack na naglalaman ng personal na gamit ng suspek.

Sa kasulukuyan ay patuloy pang pinaghahanap ng mga kapulisan ang nasabing suspek.