-- Advertisements --
kuryente

Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na aprubahan sa tamang oras ang mga power supply agreement (PSAs) sa pagitan ng distribution utilities (DUs), tulad ng Meralco, at generation companies upang matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa abot-kayang halaga para sa kapakinabangan ng mga konsyumer.

Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng pagpapalabas kamakailan ng ERC ng isang competitive selection process (CSP) guidelines na tumutukoy sa procurement mechanism para sa isang DU na kumuha ng suplay mula sa mga generation companies sa pamamagitan ng competitive bidding batay sa mandato ng Department of Energy (DOE).

Idinagdag pa ng Senador na mula 2003 hanggang 2023, mayroong kabuuang 527 na nakabinbing PSA sa ERC na hindi pa na-aaprubahan. Sa taong ito, mayroong 16 na nakabinbing PSA sa ERC, bahagyang mas mababa sa 18 noong nakaraang taon.

Ayon kay Gatchalian, dapat ding himukin ng ERC ang mga konsyumer na sumali sa bidding sa pamamagitan ng aktibong pagsubaybay, isang pribilehiyong hindi naibigay sa kanila noon. Makatutulong ito na masiguro ang transparency sa pagpapatupad ng CSP at pahusayin ang pananagutan sa bawat PSA.