-- Advertisements --

Inalmahan ni Ombudsman Samuel Martires ang umano’y mababang conviction rate ng ahensiya.

Ito’y matapos mapuna ng ilang kongresista sa budget briefing ang bumababang conviction rate ng Ombudsman.

Batay sa datos, mula kasi noong 2020 na nasa 61.2% conviction rate ngayong 2022 ay nasa 26.5% nalang.

Isa aniya sa dahilan nito ay ang batas na ipinasa ng Kongreso patungkol sa hurisdiksyon ng Sandiganbayan sa pagsasampa ng kaso.

Sabi ni Martires na may mga kaso kasi na imbes sa Sandiganbayan at sa adjacent judicial court na dapat ihahain.

Dini-dismiss naman aniya ito ng hahawak na exectuive judge dahil sa walang malinaw na guideline na naibaba kung paano ito didinggin.

Kaya hiling nila na ma-amyendahan ang naturang batas.

Bunsod nito, hindi aniya makatwiran na ibase ang kanilang performance sa kanilang conviction rate lalo sila aniya ay ang prosekusyon at hindi mga hukom.

Imbes ang conviction rate, tingnan din ang kanilang pagiging epektibo batay sa disposal rate nila ng mga kaso.

Sa kabilang dako, umapela din si Martires sa mga indibidwal na huwag gamitin ang kanilang tanggapan para mailusot ang mga kaso laban sa mga kilalang personalidad na ang basehan lang ay “red-tagging”.

Ang pahayag ni Martires ay kasunod ng pagtatanong ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel hinggil sa
status ng anim na administrative complaints at dalawang criminal cases laban sa ilang opisyal ng NTF-ELCAC na sangkot sa red-tagging.

Ipinaliwanag ni Martires na walang batas na nagpaparusa sa red-tagging kaya hindi maaaring ipilit ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Pakiusap ni Martires, hayaan na lang ang kanyang opisina na tumugon sa mga kasong karapat-dapat na pag-ukulan ng panahon lalo’t hindi maaaring gawing mabilisan ang pag-proseso rito.