-- Advertisements --

Pinaplantsa na rin daw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang guidelines para sa inaasahang pagbabalik kalsada ng mga tradisyonal na jeep sa mga susunod na linggo.

Sa isang panayam sinabi ni Engr. Alberto Suansing, ang road sector senior consultant ng DOTr, na talagang hindi sasapat para sa bilang ng commuters sa Metro Manila ang sinimulan nang i-deploy na mga modern jeeps.

Ayon kay Suansing, sa dami ng binuksan at bubuksan pang ruta sa National Capital Region ay hindi sasapat ang unit ng modern jeeps.

Kaya nga raw pati mga UV Express ay patatakbuhin din ng ahensya bilang augment o dagdag na pwersa sa pampublikong transportasyon.

Pinag-aaralan na rin umano ng Transportation department ang ilang mungkahi ng mga transport groups.

Sa ngayon ang gusto lang daw matiyak ng DOTr ay ang pagsisiguro na masusunod ang minimum health protocols kasabay ng pagbabalik kalsada ng mga UV express at jeepney.