-- Advertisements --

Ikinalungkot ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hindi pagpayag ng AF Paymnets Inc., provider ng automatic fare collection system (AFCS) sa EDSA Busway, sa kanilang naging kahilingan na gawin na lamang libre ang Beep card para sa mga pasahero.

Hindi umano pinakinggan ng nasabing kumpanya ang walang humpay na pakikiusap ng gobyerno na huwag nang pabayaran sa mga mananakay ang Beep card.

Ayon sa ahensya, malaki sanang kaginhawaan ito sa mga pasahero na kailangang sumakay sa mga pampublikong transportasyon at pati na rin sa mga manggagawa na maliit lamang ang sinasahod kada buwan.

Sa kabila nito ay tatanggap pa rin naman ng off board cash payment para sa mga indibidwal na wala pang card. Ang cash payments naman ay kokolektahin ng empleyado mula sa EDSA Bus consortia sa bawat stations.

Sa ngayon ay maghahanap daw ang EDSA Bus Consortia ng panibagong service provider na magbibigay konsiderasyon sa kasalukuyang problema.

Magugunitang umapela ang Department of Transportation (DOTr) sa kompanya na ipamigay ng libre ang Beep card sa mga hindi pa gumagamit na pasahero.