-- Advertisements --
Magkakaroon pa rin ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong unang Linggo sa buwan ng Oktubre.
Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), makakaapekto sa hilagang bahagi ng bansa ang low pressure area (LPA).
Huling namataan ang nasabing sama ng panahon kaninang madaling araw sa layong 50 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Dahil dito, magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Norte.
Sa Metro Manila naman, nariyan ang biglaang buhos ng ulan dahil sa localized thunderstorm.
Kaugnay nito, pinayuhan ang mga residente na maging handa sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.