-- Advertisements --

Mananatiling totoo sa kanilang prinsipyo ang Liberal Party (LP) sakaling lumipat sila sa mayorya sa Kamara pagsapit ng 18th Congress.

Inihalimbawa ni Caloocan Rep. Edgar Erice ang LP sa isang kawayan na minsan aniya ay medyo yumuyuko ng kaunti pero hindi aniya nila isasakripisyo ang kanilang mga prinsipyo.

Ayon kay Erice, miyembro ng LP national executive council, ang paglilipat sa mayorya ay magbibigay ng pagkakataon sa kanilang mga miyembro na maging bahagi ng mga komite at makapag-deliver ng mga proyekto sa kanikanilang mga distrito.

Iginiit naman din ng kongresista na magagamit ng House majority ang input ng 18 LP congressmen sa iba’t ibang usapin katulad na lamang ng Charter Change.

Sa ngayon, sinabi ni Erice, na pumayag na ang tatlong House Speaker aspirants na bigyan ng leniency ang LP members pagdating sa kanilang posisyon sa iba’t ibang usapin sakaling umanib sila sa majority.