-- Advertisements --

Ano mang oras ay ilalabas na ng Department of Justice (DoJ) ang department order para atasan ang Bureau of Immigration (BI) na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) para mabantayan ang kilos ng sinasabing “drug queen” na si Guia Gomez Castro.

Una nang sinabi ng DoJ kahapon na posibleng maglabas ang BI ng ILBO para mabantayan ang kilos ng kapitana.

Ngayong araw, ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra ay siguradong ilalabas na ang naturang ILBO.

Una rito, nilinaw ni DoJ Usec. Markk Perete, ang naturang ILBO ay para ma-monitor ang galaw ni Castro kapag lalabas at babalik dito sa bansa.

Aniya, hindi ito magagamit para pigilan ang pagbiyahe ni Castro sa ibang bansa.

Puwede rin umanong i-request ng DoJ na ma-monitor ang galaw ni Castro sa pamamagitan ng Interpol channels.

Sa ngayon, inaalam na raw ng DoJ kung may pending criminal case pa ang suspek.

Noong isang araw nang kumpirmahin ng Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na sa bansa si Castro.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, lumalabas sa bansa si Castro isa o dalawang beses kada buwan.

Maalalang nauna nang pinangalanan ni Manila Police District Director Brig. Gen. Vicente Danao na sangkot ang dating kapitana sa iligal na droga.

Sa inilabas na drug matrix, tinukoy dito ang isang barangay captain na taga-Sampaloc sa Maynila na protektado umano ng ilang ninja cops.