Pinalawig ng isa pang linggo ang dapat sana ay isang linggong lockdown lang sa Department of Interior and Local Government-National Police Commission (DILG-NAPOLCOM) Center sa Quezon City.
Sa isang statement, sinabi ng NAPOLCOM na isang empleyado nila ang nagpositibo sa COVID-19 noong Biyernes.
Dahil dito, sarado ang kanilang opisina sa EDSA corner Quezon Avenue, West Triangle, Quezon City sa loob ng isa pang linggo mula Hulyo 13 hanggang Hulyo 17.
Layon ng extension ng lockdown na ito na ma-minimize ang physical interaction at para na rin sa contact-tracing na gagawin, ayon sa NAPOLCOM.
Mababatid na noong Hulyo 5 ay naunang inanunsyo ng NAPOLCOM na isasailalim nila sa lockdown sa loob ng isang linggo ang kanilang opisina mula Hulyo 6 hanggang Hulyo 12.
Ito ay matapos na magpositibo sa COVID-19 si DILG Usec. Epimaco Densing III.









