-- Advertisements --


Naka-lockdown pa rin hanggang sa susunod na linggo ang Kamara sa harap ng COVID-19 surge sa National Capital Region at mga kalapit na probinsya.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, papalawgin nila ang lockdown sa Kamara  mula Enero 10 hanggang 16.

Ito ay bilang precautionary measure na rin aniya upang sa gayon ay maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat kongresista at empleyado.

Inatasan na ni Velasco si House Secretary General Mark Llandro Mendoza na tiyakin ang striktong pagpapatupad ng lockdown.

Martes nang unang inilagay sa lockdwon ang Kamara sa harap ng banta ng Omicron variant ng COVID-19, na pinaghihinalaan ng mga eksperkto na siyang dahilan nang nararanasang spike ng mga infections.

Sinabi ni Velasco na Enero 17 na babalik sa kanilang trabaho ang mga kawani ng Kamara, na sakto rin sa kanilang kauna-unahang plenary session mula nang sila ay mag-break noong Disyembre.

Subalit sinabi ng lider ng Kamara na tanging 20 percent lamang ng workforce sa bawat opisina sa Kamara ang papayagan na makapag-report sa trabaho simula Enero 17.


Kasabay nito, pinayuhan ni Velasco ang mga mambabatas at kanilang mga empleyado na manatili na lamang muna ulit sa kanikanilang mga bahay gayong maari namang makapagtrabaho online.