LEGAZPI CITY – Duda ang isang local disaster management and response official sa posibleng maging epekto ng isinusulong ng ilang mambabatas na alisin na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kasunod ito ng pag-apruba sa ikatlong pagbasa ng panukalang pagbuo ng Department of Disaster Resilience.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Local Climate Change Adaptation for Development (LCCAD) Director Nong Rangasa, nagpahayag ito ng pagsang-ayon sa nais ng ilang mambabatas na imbes na i-abolish, dapat pang i-absorb ang NDRRMC at local disaster management councils dahil mas kaylangan ang pagtutulungan sa panahon ng kalamidad.
Nabatid na sakaling mabuo ang DDR, isasailalim ang Office of the Civil Defense sa pamumuno ng ahensya at gagawing local disaster resilience fund ang disaster risk reduction and management fund.
Maaari naman umanong taasan ang dating alokasyon sa kalamidad na 5% lamang depende sa pondo ng lokal na pamahalaan.
Subalit umaasa si Rangasa na masosolusyunan pa ang isyu sa panig ng Senadp sa isasagawang bicameral conference.









