LEGAZPI CITY- Nanindigan ang Catanduanes Police Provincial Office na hindi humihingi ng ano mang donasyon o pera ang kanilang opisina sa anumang dahilan.
Ito ay matapos ang magkakasunod na pangbibiktima ng isang scammer na nagpapakilalang provincial director ng Catanduanes Police Provincial Director at nanghihingi ng libu-libong halaga ng load.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Maj. Edgar Clerigo ang tagapagsalita ng Catanduanes Police Provincial Office, hindi bababa sa P10,000 umano ang hinihinging halaga ng load ng suspek sa mga nabibiktima nito.
Modus ng suspek na lokohin ang biktima nito at sabihang makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng load.
Sa ngayon, sunod-sunod ang mga nagrereklamong dumudulog sa opisina ng PNP matapos na mabiktima ng kaparehong modus.
Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa mga biktima upang makakalap ng impormasyon at makilala ang nasa likod ng scam.










