Pinakamalaking bahagi ng pondo ng Commission on Higher Education ang inilalaan para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA), ayon kay CHED chairman Prospero de Vera.
Sa budget deliberation sa Kamara, sinabi ni De Vera na P50.9 billion ang kanilang proposed 2021 budget, na mas mataas ng 6.39% kumpara sa P47.906 Billion ngayong 2020.
Ayon kay De Vera, P44.2 million ang kanilang inilalaan para sa UAQTEA dahil inaasahan nilang tataas pa ang bilang ng mga estudyanteng mag-avail nito sa susunod na taon.
Mas mataas ito ng 13.49 percent kung ikukumpara sa P38.9 million na alokasyon sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.
Sinabi ni De Vera na noong 2019, 1.33 million estudyante ang libreng nakakapag-aral sa mga state universities and colleges (SUCs) at mga local universities and colleges (LUCs) dahil sa UAQTEA.
Bukod dito, 557,000 naman ang bilang ng mga nabigyan ng ayuda sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy (TES), na karamihan ay pawang nag-aaral sa mga pribadong higher education institutions.










