-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Pag-aaralan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na hihilingin sa Boracay Inter Agency Task Force (BIATF) na dagdagan ang bilang ng mga turistang puwedeng tanggapin sa isla.

Ito ay dahil wala pang balak ang gobyerno na baguhin ang limit sa bilang ng mga turista na puwedeng bumisita sa isla gayundin ang nakatakda sanang pagbalik ng LaBoracay na isa sa mga inaabangan na beach party tuwing summer season.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, kailangang i-review na ang napagkasunduan na carrying capacity kung saan, aminado aniya sila na hindi nakontrol ang dami ng mga turistang pumasok noong Semana Santa na umabot sa higit 22,000 na lagpas sa itinakdang bilang na 19,215 lamang.

Nanindigan ang alkalde na hindi napuno ang mga accommodation establishment sa kabila ng pagbuhos ng maraming turista sa loob lamang ng ilang araw na holiday break.

Kaugnay nito, handa aniya ang LGU na magpaliwanag sa BIATF sa kinasasangkutang isyu.

Una nang nanindigan ang Department of Tourism (DoT) na kailangang sundin ang itinakdang carrying capacity ng Boracay para maprotektahan ang isla sa over-tourism gayundin para matiyak na nasusunod pa rin ang health at safety protocols ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.