-- Advertisements --

Hindi lamang kababaihan kundi maging ang mga miyembro ng LGBTQ community at kalalakihan ay protektado rin ng Bawal Bastos Law.

Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na malawak ang scope ng bagong batas na ito.

Ayon kay Brosas, sakop ng mga probisyon ng Republic Act 11313 ang mga miyembro ng LGBTQ community maging ang mga kalalakihan na nakakaranas ng pambabastos.

Pero, hangad daw nilang maipasa na rin at maging batas na batas ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Bill para lalo pang maprotektahan ang mga karapatan naman ng mga miyembro ng LGBTQ community.

Kahapon, Hulyo 15, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Safe Space Bill na naglalayong labanan ang gender-based sexual harassment sa kalsada, public places, online, workplaces at educational and training institutions.

Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang naturang batas noong Abril 17, 2019, taliwas na naunang nai-report na otomatiko itong naging batas nang hindi aksyunan ng pangulo.

Batay sa Republic Act No. 11313, sinabing bawal na ang catcalling o paninipol, panghihipo, mga homophobic, transphobic o mysogynistic remarks o mga negatibong at sekswal na patutsada sa mga mga babae at maging miyembro ng LGBT, unwanted invitations at iba pang uri ng gender-based harassment.

Sa ilalim rin ng batas, minamandato sa local government units na magpasa ng ordinansa para dito at inuutusan ang MMDA, PNP na siyang manghuli ng mga lalabag sa mga probisyon sa batas.

Papatawan ng isang libong piso hanggang 100,000 fine at maaaring makulong pa ng hanggang isang buwan ang lalabag sa batas depende sa uri ng gender-based harassment.

Kasama rin sa tinukoy ng batas ang ibat ibang uri ng online sexual harassment gaya ng online intimidation invasion of privacy, cyberstalking at maging harassment sa educational at training institutions.

Aabot naman sa 100,000 hanggang 500,000 ang parusa sa online harassment, habang minamandato ng batas ang na magtakda ng mekanismo ang mga paaralan para sa posibleng paghahain ng reklamo ng mga estudyante at faculty members.