-- Advertisements --

May agam-agam ang League of Provinces of the Philippines (LPP)  sa pagpapaiksi ng pamahalaan sa required na araw nang quarantine ng mga overseas Filipino workers (OFWs) bago sila payagang makauwi sa kanilang lugar.

Ayon kay Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., presidente ng LPP, hindi lahat ng mga local government units ay mayroong sapat na pondo para i-accomodate ang mga OFWs na tatapusin na lamang ang nalalabing araw ng kanilang quarantine sa mga local facilities.

Nauna nang inirekomenda ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang mga umuuwing OFWs ay dapat na sa kanilang local government units na lamang tatapusin ang kanilang 14-day quarantine period sa oras na mag-negatibo sa COVID-19.

Sinabi ni Velasco na didipende pa rin sa available capacity ng mga hotels at iba pang lodging establishments sa lugar ang accomodation ng local government units sa mga uuwing OFWs.

Bukod dito, sinabi rin ng gobernador na dapat ding ikonsidera ang manpower ng mga LGU sa mag-assist at monitor sa mga OFWs.

Kaya mahalaga aniya ang pakikipag-ugnayan ng mga concerned agencies at LGUs bago papauwiin ang mga OFWs sa kanilang mga lugar.