Hindi kumbinsido ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa ikalimang na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay LCSP founder Atty. Ariel Inton sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cebu.
Ayon kay Inton, nananatili umanong puno ng pangako ang SONA ng Pangulo at kakaunti lamang ang nakikitang kongkretong resulta.
“Ganun pa rin. Puro pangako ang SONA ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. Para kang nanonood ng sine na excited kang mapanood ang pelikula, pero kakapanood mo pa lang ay trailer na. Kasi ang mga sinasabi ni BBM ay puro ‘coming soon,'” ani Inton.
Sinabi rin niya na bagama’t nabanggit ng Pangulo ang umano’y flood control scam at ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot, hindi siya naniniwalang seryoso ang hakbang na ito.
Ayon kay Inton, kung tunay umanong may determinasyon ang administrasyon na papanagutin ang mga responsable, matagal na sana itong isinagawa. Iginiit din niya na hindi lamang umano iisang personalidad ang dapat managot kundi maging ang iba pang opisyal na sangkot sa umano’y katiwalian.
Binatikos din ng LCSP founder ang umano’y hindi pantay na pagpapatupad ng hustisya sa mga kasong may kaugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Aniya, mga mababang opisyal at empleyado umano ang nakukulong habang ang kanilang mga nakatataas ay nagiging testigo.
“Di po namin nakikita ang hustisya sa ganitong senaryo,” dagdag ni Inton.
Para sa grupo, matapos ang apat na taon ng administrasyong Marcos, marami pa rin umano sa mga ipinangakong reporma ang hindi natutupad. Iginiit din ni Inton na ang mga anti-corruption campaign ng pamahalaan ay tila nakatuon lamang sa mga kalaban sa pulitika, habang ang mga kaalyado ay hindi umano napapanagot.
















