-- Advertisements --

Hinimok ng Lapu-lapu City Police Office ang mga miyembro ng fraternity dito na tulungan ang komunidad, suportahan ang mga programa ng lokal na pamahalaan, at tulungan ang mga pulis para makamit ang kapayapaan sa lugar sa halip na magsimula ng gulo o makipagpatayan.

Ito ang naging mensahe ni PCol Elmer Lim, Director ng Lapu-lapu City Police Office kasunod na rin ng naiulat na isang lider ng frat na binaril-patay sa bayan ng San Fernando Cebu.

Sinabi ni Lim na wala pa naman umano silang natanggap na ulat na may kaguluhan sa lungsod ng Lapu-lapu na kinasasangkutan ng mga fraternity at patuloy naman ang kanilang isinasagawang close monitoring.

Samantala, itinuturing pa na ‘welcome development’ kung sakaling ibabalik ang Oplan Tokhang at makabubuti pa umano hindi lang sa paglaban sa ilegal na droga kundi maging sa crime against property.

Inatasan na umano nito ang kanyang mga station commanders na lapitan at kausapin ang mga pasaway sa kanilang lugar lalo na yung nasa kanilang listahan at magbigay-babala sa mga ito.

Idinagdag pa nito na hindi kaya ng mga pulis lamang kaya kinailangan din nila ng tulong mula sa komunidad at local government units para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.