-- Advertisements --
fare hike jeepney

Dumipensa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pag-apruba nila na fare hike sa mga pampublikong mga sasakyan.

Paliwanag ng LTFRB, nakipagkunsulta naman sila sa National Economic Development Authority (NEDA) at sa Department of Energy.

Liban dito nagsagawa rin ng pag-aaral ang LTFRB sa pamamagitan ng Franchise Planning and Monitoring Division (FPMD).

Una rito, kabilang sa pinagtibay ng LTFRB ay ang dagdag na P1 provisional increase sa minimum fare sa unang apat na kilometro sa parehong traditional at modern jeepneys.

Nangangahulugan na sa mga traditional public utility jeepney (TPUJ) ay magiging P12 na ang minimum na pasahe habang sa modern PUJ (MPUJ) ay nasa P14.

Inaprubahan din ng ahensiya ang dagdag pasahe sa P0.30 sa susunod na kilometro para sa TPUJ, samantalang additional P0.40 kada sunod na kilometro para naman doon sa MPUJ.

Sa kabilang dako para naman sa mga public utility buses (PUB), sumang-ayon din ang LTFRB ng P2 uniformed base fare hike para sa city at provincial buses sa unang limang kilometro at sa susunod na kilometro ang taas pasahe sa P0.35 hanggang sa P0.50 depende sa klase ng bus.

Para naman sa flagdown rate sa mga taxis at TNVS ay pinayagan din ang adjustment ng P5.00.

Nagpaliwanag pa ang LTFRB na kung maging epektibo na ang minimum fare sa taxis at sa Sedan-type TNVS ay magiging P45, habang ang AUV/SUV-type na TNVS ay magiging P55.

Ang hatchback-type naman na TNVS ang flagdown rate ay nasa P35.

Pero wala ng pagtaas sa mga susunod na kilometro.

Nilinaw ni LTFRB chairman Atty. Cheloy Garafil na ang fare increases ay magiging epektibo pagkalipas ng 15 araw matapos itong malathala sa newspaper na may general circulation o kaya ipapatupad na ito sa unang linggo ng Oktubre.

Binigyang diin din ng LTFRB na ang 20% discount sa mga senior citizens, persons with disability at mga estudyante ay epektibo pa rin.

Samantala, nagpaalala rin naman ang LTFRB sa mga drivers na sumunod pa rin sa mga guidelines at polisiya ng ahensiya lalo na ang public health safety protocols.

Ang mga violators na lalabag ay may kaukulang parusa.