-- Advertisements --

Masuwerteng nakaligtas si Masiu, Lanao del Sur Mayor Nasser Pangandaman Jr., matapos in-ambush ng mga hindi pa kilalang suspek bandang alas-10:00 kaninang umaga sa Barangay Gata, Buadiposo-Buntong.

Sa inisyal na impormasyon mula sa mga otoridad, binabaybay ng grupo ng alkalde ang Marawi City para sana sa scheduled meeting ng Municipal Peace and Order Council sa town hall nang sila ay tambangan.

Nasugatan ang police escort nitong Staff Sergeant Jabbar Romato Pangandaman, na natamaan sa bahagi ng tiyan; gayundin ang dalawang civilian aide sa kabilang sasakyan na sina Jammal Gabriel Pangandaman, nadaplisan sa tuhod; at Casanoding Mangandog, na nabaril sa bahagi ng puwet.

Kaagad namang isinugod sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City ang tatlong nasugatang tauhan ni Mayor Pangandaman, habang tinutugis na ang mga nakatakas na suspek.

Sa ngayon ay inaalam ng pulisya kung “rido” o clan feud ang dahilan ng pag-ambush sa alkalde.