-- Advertisements --
DOST PAGASA GORING

Naghahanda na rin ang mga probinsiya ng Batanes at Cagayan para sa posibleng epekto ng Bagyong Goring.

Ayon kay Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) head Roldan Esdicul, nakapag-preposition na ng family food packs sa bawat munisipyo at nagsagawa ng pre-disaster risk assessment.

Sa ngayon patuloy aniya ang pagpapakalat ng impormasyon sa mga residente upang makapaghanda sakali mang tumama man o hindi ang bagyo sa kanilang lugar.

Nakabantay din sila sa coastal municipalities para sa posibleng epekto ng bagyo.

Ipinaiiral na din ang no-sail policy kayat pinagbabawal ang paglalayag sa mga karagatan.

Samantala, sa Cagayan naman naka-preposition na rin ang relief goods sa mga barangay.

Kabilang naman sa mga lokal pamahalaan na binabantayan ng mga awtoridad na nasa immediate concern sa Cagayan para sa posibleng epekto ng bagyo ang Sta. Ana, Aparri, Gonzaga, Sta. Teresita, Buguey, Baggao, Penablanca, Gattaran, Lal-lo at Calayan Islands.

Ayon kay Cagayan PDRRMO head Ruelie Rapsing mayroon ding sariling stockpile ang mga munisipalidad maliban pa sa stockpile ng probinsiya.

Una ng itinaas sa tropical cyclone wind signal no. 3 ang ilang parte ng Cagayan habang nakataas naman sa signal no.1 ang lalawigan ng Batanes kaninang umaga ng Sabado.